Cherreads

The Legend of the Constellar Kings

Israel_P_Villareal
21
chs / week
The average realized release rate over the past 30 days is 21 chs / week.
--
NOT RATINGS
836
Views
VIEW MORE

Chapter 1 - Ang Digmaan ng Thallerion at Moonatoria

Isang mapanglaw na kahapon ang bumabalot sa buhay ng mga taga-Thallerion at bawat yugto ng panahon ay nagngangalit. Ang kanilang mga sandata ay humihiyaw, kahit matisod man ang talim nito; hindi aagos ang luha ng mga kawal na nag-ukit sa bato ng panunumpa: ang magbuwis ng buhay, upang ipagtanggol ang sariling lahi. Ipaglalaban nila hanggang kamatayan ang kanilang bansa laban sa osong animo'y kumakagat sa kalayaan ng buong Thallerion. 

"Hindi tayo magpapadaig!" Hiyawan ng mga sundalo ng Thallerion. "Tayong mga Thallerion, ang dapat manalo!!!" Suot nila ang asul na baluting sapiro. 

Ang dalawang bato na ginapos ng digmaan ay nag-uulpugan, kailan man hindi mapuputol ang nagniningas na pagkakabigkis nito. Ang Moonatoria at ng Thallerion, sabay na yumakap sa pangil ng digmaan. Madugo ang bawat kagat ng labang kinakaharap nila.

 Ang kanilang buhay ay sumisigaw ng matinding galit at paghihigante. Sa bawat kalansing ng digmaan, kay daming kawal ang napaslang. Ngunit magkagayon man, hindi sila tumigil; ang poot ay nagbunga pa ng panibagong galit.

Malipol man ang kasindami ng buhangin o ng mga bituin, hindi magiging hamog ang umaalab na digmaan. Ang mga matang nakadungaw sa araw, may bahid ng luha. Isa na lamang guniguni ng mga kawal ang pag-asa na patuloy nila ipinaglalaban hanggang kamatayan patungo sa bangin na hinahanda ng Moonatoria; lugar na walang pag-asa magpakailanman.

"Hanggang kailan nyo matatantong wala kayong panama, laban sa Moonatoria!!?" Sigaw ng Haring si Hedromus, ang hari ng Moonatoria. Ang mga kawal nito ay nangungutya ang tawa at nangangahol na parang hayena. Suot naman nila ang puting baluti na merong mukha ng Oso sa kalasag. Ang magiting na Ursa ang nagsilbing tanda ng pwersa ng Moonatoria.

Walang hinto ang kanilang sigalot yaring nakatadhana na tulad ng planetang walang tigil sa pag-ikot. Umulan man ng mga rumaragasang bulalakaw, hindi parin matitinag ang puso nilang kasing tuyot ng dugo na dumikit sa sandata; kumulog man ng pitumpung ulit, maaambunan lamang ang kapayapaan. 

Walang inkripsyon na makakahayag na magwawakas ang digmaan ng dalawang bansang nagtatagisan ng kalasag, ngunit hangga't wala sa kanila ang natatalo, tuloy-tuloy ang alitan. Itinuturing na magkatunggali ang dalawang ito, gaya ng tubig at langis na kailan man hindi ito maipagkakasundo o ng bukang-liwayway sa takipsilim dahil sa hindi maiiwasang digmaan ng dalawa.

Lumipas pa ng maraming taon, ang Thallerion ay parang paikot-ikot sa daguhong ng ipo-ipo sa disyerto; ni wala na yatang aninag na makapagpapalinaw sa kanilang hinaharap. Ito na yata ang panahon na hindi na umaalpas ang araw sa silangan, ngunit kahit mag-alay man sila ng luha; hindi maaawa ang kuko ng digmaan. 

Ang mithiin ng mga taga-Thallerion ay ang humupa ang kulog, ngunit ang alingasngas ng kaaway ay parang nanunuklaw na ulupong, kailan man hindi sila papalya. Wala na yatang pagbabago kundi ang patuloy na pagngatngat ng mga uod sa balabal ng dakilang Thallerion.

Kahit sa madilim na panahon, may pag-asa parin na tumubo, mula sa isang butil na nakahanap ng kaunting lupa sa gitna ng digmaan. Ang hari ng Thallerion ay umibig at nagbunga ng isang sanggol. Isang malusog na bata ang ipinakilala ng hari sa buong mamamayan ng Thallerion, at pinangalanan niya—si Xerxez.

Wala na yatang bagyo ang makakapigil sa galak ng hari ng Thallerion lalo na't naging ama na siya, hindi rin mapapantayan ng kasikatan ang galak na yumayakap sa hari; ngunit hindi doon nagtatapos ang yugto ng nobela ng Thallerion gaya ng isang bulkang patuloy na nag-aalburoto mula sa kaibuturan— sasabog din sa huli!!!

Sumiklab muli ang bagyo na hatid ng Moonatoria, mula sa malayo ito ay umuugong kasabay ng mga kabayong tumatakbo na nagpapayanig ng takot sa mga tao. Bawat usad, naglilikha ng alikabok na yari sa kanilang maangas na yabag. Ang mga sandata nila ay nagdidilim ang paningin, na ang bawat talim nito ay minamaliit ang Thallerion. 

Bago pa naganap ang digmaan, ang yugto ng pamumuno ng hari, paulit-ulit na binabangungot ng bansang Moonatoria ang ama ni Xerxez; walang tigil ang banta ng Moonatoria na para bang mga panang nagliliparan na dadapo sa Thallerion. Ngunit sa mata ni Xerxez, hindi niya nakikita ang banta ng digmaan sa mukha ng kanyang ama; kundi isa lamang maskara ng pagpapanggap ang kanyang kaharap. Kahit na abala ang kaharian, lahat ng tao ay nakasara ang bunganga.

Pinamumunuan ni haring Hedromus ang bansang Moonatoria, kinikilala siya na isang marahas na hari sa buong kasaysayan ng bansa nila, at pinaniniwalaan ng mga Moonatorian na biniyayaan siya ng matinding lakas mula sa mga dios ng kalangitan o mula sa bagsik ng Ursa. Subalit, pinatunayan iyon ng hari na hindi nagmumula sa kung kaninong nilalang ang kanyang husay; bagkus, ipinamukha niyang hindi siya isang ordinaryong hari na maihahalintulad sa karamihan. at ang bunga'y, naipabagsak ni Hedromus ang kapangyarihan ng Thallerion. Napasailalim ng Moonatoria ang lahi ng Thallerion at ginawang alipin sa loob ng pitong taon. 

"Nasaan na ngayon ang binansagang: ang taktisyan ng Orion???" Sabi ni Haring Hedromus nang matalo ang Thallerion sa digmaan.

Ang Moonatoria ang unang nagsindi ng apoy, na inihagis sa gitna ng kagubatan, doon na sumabog ang mapait na kapalaran ng Thallerion laban sa Moonatoria. Ang apoy na lumalamon sa buong kagubatan na naglilikha ng amoy ng pagkatalo at pati na ang dugong kumalat ng mga sundalong nakasuot ng baluting kakulay ng pukang-reyna—isa lamang gatong sa impiyernong nilikha ng Moonatoria.

Makikita ang mga humihingalong punong kahoy sa tindi ng apoy na umaalab gawa ng mga nag-iigtingang kalasag. Walang sinuman ang makakapagsabi sa hinaharap. Maging ang araw ay lumihis at namilipit sa takot sa pangambang makita ang mga buhay na mawawasak dulot ng digmaan. Ngunit, namumutawi sa gitna ng digmaan ang malakas na bulyaw ng espada ng Moonatoria.

Tandang-tanda pa iyon ni Xerxez kung paano naghihiyawan ang mga tao, hinihila ng mga magulang ang malamig na bangkay ng katawan ng kanilang mga anak, nangangatal habang sumisigaw ng hustisya. Nakakabingi din ang mga kuro ng mga sundalong naghihingalo habang hawak-hawak ang kaunting hininga. Hanggang kailan iyon matatapos?

Ang digmaang iyon ang nagpamulat kay Xerxez mula sa kasinungalingan ng kapayapaan na kanyang yinakap. Bata pa noon si Xerxez ngunit lumuluha siyang hawak-hawak ang isang punyal; ibinigay iyon ng kanyang ama upang ipagtanggol ang sarili dala ng . Ang sandata na iyon ay hindi pa kilala ni Xerxez dahil sa yakap ng kanyang magulang. Ngunit nang mapaslang ang kanyang ina at ama, doon niya nakilala kung ano ba talaga ang udyok ng sandata sa mundo.

"Patay na ang hari ng Thallerion!!!" Sigaw ni haring Hedromus, pinaputukan ng baril ang hari ng Thallerion sa dibdib. "Pati na rin ang reyna, patay na!!!" 

Iyon ang huling digmaan na nagdulot ng malaking kapighatian Kay Xerxez, ang labinlimang taon na pagkakayakap ng kanyang ama't ina hindi na muli niya mararamdaman. Nang masawi ang kanyang mga magulang, ang buong Thallerion ay kinain ng mabangis na oso; kaya agad na tumakas ang mga kadugo ng hari at pinilit na itinakas si Xerxez. Hila-hila siya patungo sa kagubatan ng Wendlock, isang lugar na hindi nasasaklaw ng anino ng hari ng Moonatoria. Kalaunan gumawa sila ng kuta doon sa distrito ng Rigil, upang hindi matunton ni Hedromus ang amoy nila; nagtayo sila doon ng munting bayan na hanggang ngayon naging tirahan na ng mga iilang Thullerian at naging kampo ng mga militar at sundalo ng Thallerion. Sa paghahabulan ng araw at buwan, ang mga tao ay naghintay habang nanalangin na balang araw may darating na isang magiting na Orion na babawi sa kamay ng Oso. 

Sa paglipas ng pitong taon, hinubog ang katawan ng binatang si Xerxez ng kanyang paghihigante sa hari ng Moonatoria. Nagsanay siya sa kagubatan upang maging isang mandirigma kasama si Matheros na nakakatanda sa kanya ng edad, at gumawa sila ng kilusang-pag-aklas. Pinangunahan ni Xerxez ang mga umanib sa kilusang pag-aklas, palihim silang pumapasok sa ibang distrito ng Thallerion para udyukan ang mga alipin. Araw-gabi pinapawisan ng dugo ang mga alipin na hindi kayang punasin ng sariling kamay. Ginugutom ang dating sagana, inuuhaw ang dating matipuno, ang noong mabango ngayon naman nagdadamit na ng isang nag-aalingasaw na basahan. Niyuyurakan ang dangal ng mga kababaihan, ang mga matatandang pwersahang pinapatrabaho—hanggang kailan sila mag-titiis, kung pudpod na ba ang mga ngipin?

Lumuluha ng dugo ang bansang hinirang ng Orion sa kamay na bakal ng Oso. Araw-araw, dinadaing ang latay ng latigong parang may tinik na walang tigil na hinahampas ng mga sundalo ng Moonatoria. Sa tuwing nasisilayan nilang namimilipit sa sakit ang mga alipin, sila ay naghahagikhikan. 

Matagal ng nangangapa sa dilim ang Thallerion na muling sisikat ang araw ngunit mahaba pa ang gabi. Sila ay nanlalamig kagaya ng isang rebulto na walang magawa sa mga baging na gumagapos sa kanila kundi ang pagmasdan na lamang ang tumatabang damo. Ngunit kung meron mang gabi, tiyak magniningning din ang bituin sa tala!

Kapag ang Oso ay nasa loob ng kweba, mahimbing itong natutulog. Kaya naman, sa pagsapit ng gabi, nakipag-isa ang mga aliping Thallerion sa plano ni Xerxez: ang mag-alsa laban sa Moonatoria. Datapuwa't, natatawa lamang ang mga sundalong Moonatoria dahil umano ang paghamon ni Xerxez sa hari ay katulad lamang sa pagsundot sa natutulog na Oso sa Thallerion. Kapag magising ang Oso, iniisip nilang tatakbo lamang si Xerxez. Gayunpaman, hinamon ni Xerxez ang Hari ng Moonatoria ng buong tapang upang bawiin ang lahi at ang bansa ng Thallerion dahil sobra na ang pang-aalipusta ng haring si Hedromus sa Thallerion. 

Nang matuklasan ng Hari na buhay pa ang anak ng Hari ng Thallerion, hindi siya tumanggi sa hamon ni Xerxez, ang totoo balak talaga niya na paslangin ito. Sa lugar na nabibilang sa pagitan ng distrito ng Mintaka at Rigil na ngayon isa ng ganap na pook ampiteatro ng mga gladyador, doon naganap ang dugong-kasunduan para sa matibay na pusta.

"Sa halip na isang digmaan, bakit di nalang natin gawing isang laro— isang duwelo?" Sabi ni haring Hedromus sa lahat ng nakikinig, inaangat niya ang kanyang sinturon at naupo sa upuang kinakarga ng mga alipin; ginagapusan ng mga sandata ang kanyang baywang. "Kung sino man ang mapaslang, ituturing na panalo. Kung sakali man si Xerxez ang manalo, mababawi nito ang kaharian ng Thallerion; ngunit kung masawi siya— Lahat ng lahi ng Thallerion maghihila ng mga lubid sa aking magarang karwahe!!!" Napangisi ito ng may pagyayabang ng kanyang katawan na ubod ng laki at dinampot niya ang maanghang na hita ng manok at kinain ito sa harap ng mga kakampi ni Xerxez. 

Malaki ang kompyansya ni Hedromus na mananalo siya sa duwelo dahil malaki ang kanyang katawan, at di himak na mas marami siyang karanasan sa pakikipaglaban kumpara sa isang binata na katulad ni Xerxez, ni hindi rin maitatanggi ang kanyang pagiging bihasa sa paggamit ng espada at pakikipaglaban. Subalit, kakambal niya ang kahambugan, masyado niyang minaliit ang kakayahan ni Xerxez. Sa isip ni haring Hedromus, bilang na ang buhay ni Xerxez.

"Papayag ako!!!" Sagot ni Xerxez. Humakbang si Xerxez sa harapan upang ipakita na tinatanggap niya ang kasunduan ng hari, at kinuha niya ang punyal sa kanyang baywang sabay iniangat. Kumintab sa mata ng mga tao ang kanyang isang dangkal na punyal. Pagkatapos, sinaksak ni Xerxez ang kanyang palad, ramdam niya ang hapdi ng sugat nang tumulo ang buhay na dugo, pero hindi iyon nakikita sa kanyang mukha. Ngunit ang mga mata ng kanyang mga kakampi ay para bang luluwa na ang mata at napanganga sa kanyang desisyon.

Ang lahat ng mga Thallerion ay nakaramdam ng isang mabigat na pasanin na parang bulalakaw na babagsak sa harapan nila. Kahit sa panaginip, hindi nila mahanap ang pag-asa sa nagawang desisyon ni Xerxez. Sa wari nila'y magpapakamatay lamang ang bituing tinitingala nila sa hating gabi sa bunganga ng Oso. Subalit, paano makakagat ang oso kay Xerxez kung nakasalansang na ang espada nito sa bunganga?

Sa kasawiang palad, baliktad ang naging hatol ng kapalaran; sa pagitan ng Moonatoria at Thallerion, nasaksihan nila kung paano humusga ang kapalaran—hindi ito kumampi sa hari ng Moonatoria. 

Ang matabang Oso ay napaslang ni Xerxez habang nakatingala ang lahat sa kanya't nagmistulang bato habang nakabuka ang bibig. Ang mga sandata ng Moonatoria ay parang patay na buhok na nangalagas sa lupa. Nakatayo siya sa itaas ng oso habang hawak-hawak niya ang espadang itinusok. Nanginginig ang buong kawal ng Oso at tumakbo na parang mga daga nang magbunyi ang mga sundalong Thallerion, marami ang sumuko at tinanggap ang malinaw na pagkatalo dahil yon ang kasunduan.

"Nagwakas na ang kadena na gumagapos sa lupang hinirang ng Orion!!!" Sigaw ng kawal. "Tagumpay si Xerxez!!! Purihin si Xerxez!!!" Parang Tropeng ipinangangalandakan si Xerxez at iniangat ng libo-libong kamay.

Pinaslang ni Xerxez ang gabi hanggang sa sumagana ang sikat ng araw sa buong Thallerion. Malaya na ang sarili niyang lahi, binitawan na ng mga alipin ang lubid na pwersahang hinihila para buhatin ang mabigat na karwahe ni Haring Hedromus. Tiyak ngang ang talino at taktika ay tunay na matulis, kayang patumbahin ng utak ang malakas na mandirigma. Pinatunayan ni Xerxez na ang isip ay kasing lakas ng maraming kawal, at ang kumpyansa sa sarili ay isa lamang baluti na ginamit ni Xerxez upang harapin ang hari ng Moonatoria.

Sa nangyaring pagkasawi ng haring si Hedromus binabangungot na ang ibang bansa sa Thallerion nang mabalitaan ang pagkatalo ng hari ng Moonatoria. Sinong mag-aakalang, isang binata lang ang tatalo sa isang hari na binansagang "ang mabagsik na Oso", iyon ang nakasanayang tawag ng mga Moonatoria kay Haring Hedromus.

 Matapos ang pangyayari maraming bulungan ang tila mga kabuteng tumubo at nagkalat sa buong lupain, ang paniniwala ng iba, si Xerxez na yata ang susunod na Orion? Ngunit ang sabi naman ng iba: si Xerxez daw ang tinutukoy sa propesiya?